ALKANSYA NI CALOY

8/16/10 12:39 AM
- unang maikling kwentong ginawa ni Ninoy Baltazar

Umagang umaga pa lang sa kalye Hernandez ay dinig mo na ang mga batang nagtatawanan. Animo'y nagsasayahan ang mga 'to sa kanilang nilalarong patintero, tumbang preso o di kaya naman ay habu-habulan.O kaya naman ay nagpupustahan ang mga ito at may kanya-kanyang pambato - sinisigaw ang kanilang mga manok. Pero hindi pala. Inaasar na naman pala nila si Caloy.

"Caloy Abnoy! Caloy Abnoy!" sigaw ng mga batang ayaw magpaawat sa pangangantiyaw.

Wala naman magawa si Caloy kundi titigan na lamang mga batang nasa paligid niya. Gusto niya isumbong sa nanay niya pero baka lalo lang siyang aasarin.

"Wag na nating pasalihin ng laro yan, sumbong nanay naman yan!" hiyaw ng isang bata.

Biglang tumahimik ang mga bata nang biglang lumabas ang nakababatang kapatid ni Caloy - si Ryan. Siga-siga itong lumabas nang bahay. Animo'y parang si Robin Padilla lang sa pelikula nang ito'y pumasok sa eksena. Nakita niya Caloy na pinagtritripan na naman ng mga bata.

"Ryan, tulungan mo ako. Pinagtutulungan nila ako," sumbong ni Caloy sa kanyang nakababatang kapatid.

Ngiting aso naman ang loko at nagsabi, "di ba kuya kita? bakit pa ako magtatanggol sayo? di ba ako dapat pinagtatanggol, di ikaw?! Tanga!"

Sabay umalis na lang itong parang hangin lang na dumaan kay Caloy. Tuloy ang pang-aasaran ng mga bata kay Caloy.

"Woo! nasan ang kapatid mo? haha! Wala pala e! Tanga ka raw! haha!"

"Sino naman pagsusumbungan mo tatay mo? E wala e! hahaha"

Habang inaasar ng mga bata, natipuan naman ng isang bata na kunin ang palaging hawak-hawak ni Caloy. Ang kanyang latang alkansya..

Isang malaking latang alkansya na laging dala-dala ni Caloy. Isang lata ng gatas na Nido na naging proyekto niya dati noong nasa elementarya pa lamang siya. Pininturahan lang sa kulay asul na pintura at dinagdagan pa ng mga makukulay na mga drawings. Matapos ay binutasan nito sa gitna ng takip para maging itsurang alkansya. Sa bigat nito ay di mo malaman laman kung bakit pa napagtiya-tiyagaan ni Caloy na dalhin ito sa araw-araw. Kahit sinong bata man ay lalaki ang mga braso sa bigat nito. Animo'y isang kalapating nagdadala ng mga ambisyo't pangarap niya at ayaw niya itong pakawalan mula sa kanyang mga kamay. Mas lagi pa niya itong hawak-hawak kaysa sa kanyang mga paborito nitong stuff toys na inaamag na lang sa kwarto niya. At dahil na rin sa bigat nito, di mo na rin malaman-laman na baka lampas sa dalawang libo na mga barya na nasa loob nito at kaya naman walang bata na di magtatangka sa kanya na agawin ang kanyang minamahal na alkansya..

"Akin na nga yan!" sabi ng bata habang pinipilit nitong kunin ang alkansya ni Caloy.

Di na natiis ni Caloy. Humiyaw ito nang malakas hanggang sa dumating ang kanyang nanay.

"Hoy! Anung ginagawa niyo sa anak ko! Tigilan niyo siya!" sigaw ng kanyang ina habang hawak ang walis tambo.

Agad na tumakbo ang mga bata na tila mga rugby boys na humaripas nang takbo nang may nakitang nanghuhuling pulis.

"Ano bang ginagawa mo dito sa labas ng bahay?" tanong ng kanyang ina.

"Gusto ko po sana nay na sumali sa kanila e, pero inaasar naman nila ako," tugon naman ni Caloy na wari mo di pa rin natuto tuto dahil sa araw araw na rin siyang kinakantiyawan ng mga bata.

"Ikaw naman kase anak, di ka na dapat sumasali sali sa mga yan..matanda ka na," sabi ng nanay.Di na nakapagsalita si Caloy. Agad na itong pumasok sa bahay na walang kaimik-imik.

Siya si Caloy. 16 anyos na gulang. Nakakatandang kapatid ni Ryan. Mga isang taon lang ang pagitan nilang dalawa subalit nagkaroon problema sa pag-iisip si Caloy. Hanggang Grade 2 lang ang nakakayanan ng utak niya. Kadalasan mo siyang makikita sa playground malapit sa kanilang eskwelahan. Matalas ang paningin niya pagdating sa mga barya. Kadalasan mo siyang makikita na dumarampot ng mga barya sa kalsada. Masinop rin siyang bata. Marunong rin siya tumulong sa kanyang ina at sa kanilang katulong ng mga gawaing bahay at kayang maiwanan sa bahay. Marunong siya maghugas ng pinggan, magwalis, at magsaing ng kanin. Kaya naman kapag nakikitaan siya ng kasipagan ng kanyang ina, binibigyan naman siya ng P50 sa bawat araw dahil sa kanyang kasipagan.

Simple lang ang pamumuhay nilang pamilya. Di naman sila nasa estadong mahirap na pamumuhay sapagka't may katulong rin sila. Ang nanay nila ang nagtataguyod sa kanilang dalawa. Siya ang namamahala ng computer shop sa kanila at may ari ng dalawang apartment sa tabi ng kanilang bahay. Ang tatay nila ay OFW sa Kuwait ngunit sa di malaman laman na dahilan, bigla na lang nawala ang komukinasyon niya sa kanila. Mga 10 na taon na nung huli nila siyang nakita matapos itong mag-abroad papuntang Kuwait.

Dati naman hindi ganoon si Caloy. Noong panahong nasa elementarya pa siya, mababalitaan mong siya ang laging nangunguna sa klase. Madalas itong nakakatanggap ng mga medalya dahil sa angking husay at katalinuhan niya. Varsity player rin siya nun dahil sa kagalingan rin niya sa paglaro ng mga isports tulad ng basketbol, volleyball, chess, at swimming. Pag-uwian naman lagi niyang tinutulungan ang kanyang kapatid sa mga takdang aralin at mga proyekto nito. Sobrang saya ng kanyang ina at ni Ryan sa kanya. Ngunit sa di inaasahang pangyayari, nabagok ang ulo nito sa semento matapos madulas sa hagdanan. Nung una wlaa naman silang nakitang problema kay Caloy. Pero makalipas ng ilang taon, nalaman nila na may problema na sa pag-iisp si Caloy. Di na nito kayang makahantong pa sa susunod na antas sapagka't hanggang dun na lang ang nakakayanan ng utak niya - ang Grade 2. Kahit masakit man sa kalooban ng kanyang pamilya at sa kanya, napagdesisyunan na lang na itigil na lang siya sa pag-aaral. Matapos mangyari ang mga ito, unti-unting nawawalan na ng sigla ang pamilya. Ang dating napag-uusap usap na katalinuhan ni Caloy ay naging pangungutiya na ng mga taong nasa paligid sa kanila. May ilan na nagkakalat ng kwento na sa sobra raw katalinuhan nagkaroon na ng problema sa pag-iisipan. Meron na namang ibang nagkakalat ng kwento na nabaliw naman daw sa kakaaral. Ilang taon din nakalipas ay unti-unti na ring nagrebelde ang kapatid ni Caloy. Naging basagulero na si Ryan. Di na niya makayan ang mga pangangatiyaw sa kanyang kapatid. Simula noon, sumasali na rin si Ryan sa fraternity. Nalulon na siya sa mga bisyo tulad ng alak at paninigarilyo. Naiba na rin ang pakikitungo niya sa kanyang kapatid at ina.

"T*ng*na naman oh! Pafacebook facebook ka pang nalalaman. Sino naman pinefriends mo jan? mga kasama mo rin abnoy? Budoy? Aba umalis-alis ka na dyan at gagawa ako ng mga projects ko!" pabulyaw na sinabi ni Ryan sa kanyang kuya habang ang nasa harapan ng computer.

"Anu ka ba naman Ryan, matuto ka naman rumespeto kahit ganito ako. Nasasaktan ako sa'yo" malungkot na sabi ni Caloy sa kay Ryan.

"Ang arte mo ah? Wag ka ngang madrama jan! Wag mong painitin ang ulo ko gaya ng pwet mo na kanina pang nang-iinit dyan sa upuan!!" pabulyaw na sabi ni Ryan kay Caloy.

Wala nang nagawa si Caloy kundi umalis na lang sa harapan ng computer. Nalulungkot siya sa mga sinasabi sa kanya ng kanyang kapatid. Wala siyang gumawa kundi umalis na lang sa harapan ng computer. Matapos itong lumayo sa computer, sinisilip niya ang kanyang kapatid. Nagbukas din pala ng facebook ang loko.

Pumunta sa labas ng bahay si Caloy. Umupo ito sa pasamano at tinitigan ang mga ulap sa kalangitan. Habang pinagmamasdan niya ang paggalaw ng mga ulap sa kalangitan naalala niya yung mga panahong nakakalaro pa niya ang kanyang kapatid sa playground sa labas ng eskwelahan nila, Habang naglalaro sila sa doon ay nagkaroon sila ng maliit na pag-uusap tungkol sa kani-kanilang mga ambisyon at pangarap sa buhay.

"Ryan, mga pangarap at ambisyon ka na rin bang naiisip sa'yong buhay?" tanong ni Caloy.

"Oo naman kuya, meron din po ako. Pangarap kong maging piloto paglaki ko. Gusto ko kayong isama ni nanay na makapaglakbay sa buong mundo. at syempre para mapuntahan na rin natin si tatay para mabuo na pamilya natin," tugon ni Ryan.

Tuwang-tuwa naman si Caloy sa kanyang narinig. "Wow! ganda naman ng ambisyon mo..ako rin meron. ako naman gusto kong maging bussinessman. Gusto ko kasi maging milyonaryo. Kapag naging milyonaryo na ko. Bibilhan ko kayo ng malapalasyong bahay at dahil dyan di na magtratrabaho pa si nanay at si tatay at magiging masaya na pamilya natin..kaya nga may alkansya ako e..nagsisimula na kong mag-ipon!"

"Wow! ganda rin ng ambisyon mo kuya. Saka matupad natin yan paglaki natin"

"Oo naman, Ryan. Basta pag-igihan lang natin pag-aaral natin at huwag magbigay ng sakit ng ulo kay nanay para matupad na natin ang ating mga pangarap...Pero pramis mo rin sakin Ryan kung sakaling di man isa satin makatupad ng pangarap na yon, magtutulungan pa rin tayo para matupad mga pangarap natin sa pamilya natin! Ok ba yon? Maprapramis mo ba yon' Ryan?"

"Opo.Pramis yun kuya"

Napapangiti si Caloy habang inaalala niya ang mga nakaraang yon. Naalala niya ang mga sandali yon at umaasang sana maibalik pa ang dati..ngunit parang di na ata maibabalik yun. Hinahaplos ni Ryan ang kanyang alkansya. Nagbabakasali siya na baka sa labis na paghahaplos niya sa kanyang alkansya ay may lumitaw na Genie.

"Hoy! pahingi nga ng P20 na barya jan sa alkansya mo..alam ko namang mabait ka Caloy..kaya bigyan mo na nga ako," Di pala isang Genie ang lumabas kundi isa palang nang-uuto na kapatid niya sa harapan niya.

"Sige na nga" nakangiting tugin ni Caloy kay Ryan. Ito rin ang isang problema ni Caloy - ang madali itong mauto ng mga taong nasa paligid sa kanya. Bobolahin mo lang ito nang konti ay mahuhuli mo na kaagad ang kanyang kiliti. Nagpauto na naman siya at inabot ang P50 na barya kay Ryan.

"Uto-uto naman 'to..Sige t*nga! Salamat sa barya!" sabi naman ni Ryan na nakangiting aso kay Caloy.

"Hanggang ngayon pa rin pala no? Nagpapakatanga ka pa rin dyan sa pag-iipon mo sa iyong alkansya. Kahit anung ipon mo hindi parin matutupad ang pangarap mong maging bussinessman t*nga! Di ka pa nga nakakatapos ng elementarya mo kaya wag ka nang mangarap! Yan ang ipasok mo sa kasinglaki ng pinipig na inaamag mong utak!" mapang-insultong sinabi ni Ryan sa kanya.

"Ang bad mo naman? Hindi noh? Tanggap ko rin naman yun e..May isang bagay lang talaga akong pinag-iipunan.." sagot naman ni Caloy kay Ryan.

"Hmm...Ano? IQ tab? hahaha! Makalis na nga at baka mahawa lang ako sa'yo" sabi ni Ryan sa kanya..

"Teka, san ka pala pupunta kapatid ko," tanong ni Caloy kay Ryan.

"Sa Mall, may titingnan lang ako.." sabi ni Ryan kay Caloy.

Alam ni Caloy ang pinupuntahan ni Ryan. Alam niya na lagi itong pumupunta sa Mall para pumunta sa department store para lang sa isang bagay. Ang makita ang paborito niyang itim na sapatos. Ang itim na sapatos na ito ay gawa sa orihinal na balat. Maganda ang kalidad ng tekstyur nito. Kaya naman kulang-kulang na dalawang libo ang presyo nito.

Sumunod na araw...halos ganon na lang rin ang nagiging routine sa buhay ni Caloy. Sa umaga, nagpapaasar sa mga batang nasa paligid habang gusto nitong sumali sa laro ng mga 'to. Pagkatapos nun, tutulong na ito sa mga gawaing bahay. Kakain. Lalabas para maglaro ng paborito niya swing. Maghanap ng mga barya habang naglalakad. Tapos babalik na sa bahay bago gumabi.

Sumapit na ang gabi at nakita ni Caloy na naman ang kanyang kapatid na lugmok na naman sa alak sa buong katawan. Amoy na amoy sa kanya ang usok ng sigarilyo at alingasaw ng alak sa buong katawan niya.

"Hoy! anung tinitingin-tingin mo dyan?" panimulang tanong ni Ryan kay Caloy habang papasok ito ng bahay.

"Hmm..kala ko ba gagawa lang kayo ng project ng mga schoolmates mo? E bakit parang inuman na ata ang ginawa niyo" tanong naman ni Caloy sa kanya.

"E anu bang pakialam mo? Buhay ko 'to kaya wag kang makialam!!" Pabulyaw na sagot ni Ryan.

"E ikaw e wala ka sa tama. nasan na mga pangako mo noon? Pinako mo na" sagot naman ni Caloy kay Ryan.

Nagalit si Ryan. Agad nitong dinuro-duro si Caloy.

"Alam mo wala kang pakialam sa buhay ko! Wala akong pakialam sa mga pangarap at ambisyon mong yan! E anu naman kung napako? May magagawa ka! WALA kase Abnormal ka! Anung gusto mo ngayon away? ANO! Lalaban ka?!!!" pagalit na nanggagalaiting sabi ni Ryan kay Caloy.

Tinititigan ni Caloy si Ryan hanggang sa nakita ito ng kanilang ina. "Ryan! Itigil mo na yan! Kuya mo yan, Ryan!" sabi ng kanilang ina.

"Ayan na naman tayo! Kakampihan niyo na naman yang RETARDED niyong anak! Kuya ba maitatawag ko dyan? Naghihingi ng tulong sa tuwing inaasar ng mga bata sa labas? Kuya ba yan? Tanong ko sa inyo inay, tapos halos lahat na ng atensyon binigay niyo sa kanya! Ako, pano naman ako inay! Di niyo ba ko anak? Ha!" panumbat na sagot ni Ryan sa ina niya.

"Hindi mo alam ang pinagdadaanan ng kapatid mo sa kalagayan niya ngayon..Kaya wala kang karapatan na sabihan siya ng ganyan! kapatid mo siya sana nauunawaan mo ang kalagayan niya!" tugon ng ina kay Ryan.

"PUT*NG**Ang Rason yan! bakit di niyo na lang ipadala yan sa Mental Ospital. May deperensya na yan sa utak e...." naputol ang salita ni Ryan nang masampal siya ng kanyang nanay. Pinigilan naman ni Caloy ang kanyang nanay matapos nitong masampal si Ryan.

"Wala kang karapatang sabihan ako ng ganyan. Di ko na rin alam ang gagawin ko sa inyo. Miski ako sobrang nahihirapan na rin. Sa mga taong nasa paligid natin. Sa tatay niyo na 10 taon na walang komunikasyon. Sa mga gastusin dito! Sa lahat!" sinabi ng kanyang ina kay Ryan habang humahagulgol ito sa iyak. Wala nang nasabi si Ryan nang makita niya ang kanilang ina na humahagulgol habang pinapatahan naman ito ni Caloy. Umalis na lang ito dahil pinipigilan niya ring lumuha sa harapan ng mag-ina...

Sumapit na ang sumunod na araw. Kaarawan na pala ngayon ni Ryan. Hinahanap ni Caloy ang kanyang kapatid para sa dalawang bagay. Una, para batiin niya ng maligayang kaarawan si Ryan. Pangalawa, para humingi ng tawad sa nangyari kahapon. Hinahanap niya sa loob ng bahay ngnit di naman niya nakita ito. Tinanong niya sa kanilang katulong ngunit sinabi ng kanilang katulong na maaga raw itong umalis kasama ang kanyang mga barkada...

Ilang minutong nakalipas. Ilang oras nang nagdaan. Hanggang sa nagkaroon ng plano si Caloy para sa kaarawan ni Ryan.

Mga alas syete na ang nakakalipas dumidilim na ang kalye ng Hernandez. Namumula ang mga mata ni Ryan at sumisingaw ang amoy ng alak sa buong katawan niya. Kagagaling lang niya sa inuman at may dalawang rason kung bakit siya naglasing. Una, pinagdiwang niya ang kanyang kaaranawan kasama ang kanyang mga kabarkada. Pangalawa, kakabreak lang nila ng GF niya. Papauwi na siya sa kanila habang naglalakad ito ng pagewang-gewang sa daanan. Di naman siya malayo pa sa kanilang bahay pagka't mga 10 minuto na lang ang lalakarin niya ay makakadating na siya sa kanilang bahay.

Papatawid na siya ng kalsada nang di niya namalayan na may isa palang maputing van na mabilis na humaharurot ang sasalubong sa kanya. Bumusina ito nang pagkalakas-lakas na siya namang nagbigay ng atensyon sa mga taong nasa paligid lamang. Nagawa pang magpreno ng drayber ng van na siya namang lasing na lasing din ngunit huli na ang lahat..

Ang bilis ng pintig ng puso ni Ryan. Nilalamig ang buong katawan niya sa takot at tila nawala ang kanyang kalasingan sa mga puntong 'yon. Walang siyang narinig na kahit anu maliban lang sa busina ng kotse. Nanlalaki ang kanyang mga mata habang tinititigan ang bumubusina sa kanya. Wala naman siyang makita kundi sinag lang ng ilaw ng sasakyan na pumapalapit sa kanya. Hindi na niya magawang tumakbo dahil parang huminto ang mundo sa kanya.

"T*ng*na! Anong gagawin ko? Katapusan ko na ba?!" ang tanong niya sa kanya sarili.

Mabilis ang lahat ng pangyayari. Tumilapon siya ng malayo at sa lakas ay gumulong-gulong ang kanyang katawan sa kalsada.

Hindi niya mabuksan ang kanyang mga mata. Namamanhid ang buong katawan niya matapos itong mahagis palayo. Di naglao'y nakarinig siya ng mga yabag palapit sa kanya. Narinig niya ang mga sigaw at hiyawan ng mga tao. May naghihingi ng saklolo, may nagtatanong, may nagdadasal, may nagmumura at may mga taong pinipilit akong gisingin matapos ang nangyari.

"Boy, ok ka lang?!!"
"Diyos ko, napano siya?!"
"Tara ihatid natin sila sa ospital!"
"TAR*NT*DONG DRAYBER YAN, HULIHIN NIYO!!"

Unti-unting binuksan ni yan ang kanyang mga mata. Hilong-hilo siya matapos ang nangyari, nadagdagan pa ang pagkahilo niya sa epekto ng alkohol na nainom niya kani-kanila lang. Pero nakapagtataka lang matapos ang nangyari sa kanya - buhay pa siya. Nagtamo lang siya ng mga konting gasgas sa kanyang kamay, braso at tuhod. May natamo din siyang maliit na sugat lang sa kanyang kaliwang parte ng kanyang noo..

Nakita niya na mas marami ang mga nagtipon-tipon na mga tao sa kabilang kalsada. Nagpatulong si Ryan sa mga taong pumalibot sa kanya matapos ang pangyayari. Inalalayan naman siya ng mga ito. Habang papalapit sa lugar na 'yon, nakita niya ang mga nagkalat na mga bagay at dugo sa kalsada. Nagkalat ang mga iba't-ibang chichirya, isang kahon na nakabalot sa gift wrapper, at sa isang bagay na nagpatayo sa balahibo ni Ryan - isang latang alkansya na natalamsikan na ng mga dugo at mga konti-konting barya ang siyang nagkalat sa daanan. Ang ibang mga barya ay pinagpupulot-pulot naman ng mga bata at mga matatanda na di na inalintana ang pangyayari sa halip nagsisiyahan sa pagpulot ng mga barya sa duguang kalsada.

"Alkansya?..Alkansya ito ni..!!" agad na lumapit si Ryan sa lugar na pinagkakaguluhan ng mga tao. Sa sobrang pagmamadali iniwanan na niya ang mga taong umaalalay sa kanya. Namumugto ang mga mata nito at nagmamakaawang pinipilit ang sariling makapasok sa di mahulugang karayom sa dami ng tao. Nagmamakaawa na sana hindi totoo ang kanyang nasa isip..

Di naglao'y nakita din niya ang pinagtitipunan ng mga tao. Sakto namang dumating ang mga pulis at ambulansya sa pinangyarihan. Hinuli ng mga pulis ang drayber na bugbog sarado sa mga taong humuli sa kanya matapos tumakas.Nagulat siya si Ryan sa nakita. Di mapigilan ang kanyang mga luha na umagos sa kanyang mukha. Nakita ni Ryan ang kanyang kuya na nakahandusay sa kalsada. Nakita niya si Kuya Caloy niya na naghihingalong naliligo na sa kanyang sariling dugo.

"KUUUYYAAA!! BAAKKEETT?!!! .." sigaw ni Ryan habang humahagulgol ito sa kanyang pag-iyak, "Tulungan niyo kuya ko! Parang awa niyo na!!"

**

Bago pa nangyari ang lahat, mga alas kwatro nang hapon yun nang nagpasyang umalis sa bahay si Caloy at nagpaalam sa kanyang ina na may bibilhin lang siya sa malapit na mall sa kanila. Pinayagan naman siya ng ina niya na bising bisi sa kanyang pagluluto para sa kaarawan ni Ryan, basta't wag lang magpapagabi. Umalis ito dala-dala ang kanyang bag at alkansya na naglalaman ng kulang-kulang na dalawang libong barya. Balak kasi ni Caloy na bilhan ang kanyang kapatid ng regalo dahil kaarawan niya ngayon. Agad siyang sumakay sa jeep at matapos na makarating sa mall, agad na dumeretso ito sa department store kung saan laging puntahan ng kanyang kapatid. Hinanap niya ang paboritong sapatos ni Ryan dahil sa pagkakaalam niya baka mas lalong masisiyahan sa kanya ang kanyang kapatid at umaasa di na siya tratratuhin nang masama nito sa oras na mabili na nito ang pinakaaasam asam na sapatos ng kanyang kapatid. Nakita niya ang paboritong sapatos ng kanyang kapatid subalit hawak na ng isang kostumer ang kanyang inaasam na bilhin. Wala nang iba pang kaparehas ang sapatos na 'yon dahil huling pares na raw 'yon ng may-ari sa tindahan niya. Nagmakaawa si Caloy sa kostumer na balak nang bilhin 'yon. Nagmakaawa siya na iba nalang bilhin ng mamang 'yon dahil ilang taon na din pinag-ipunan ni Caloy iyon para lang mabili ang sapatos na iyon para sa kanyang kapatid. Halos umiyak na ito sa harap ng mama at hinawakan pa niya ang mga paa nito para mapagbigyan ang kanyang kahilingan. Naawa naman ang mamang lalaki kaya't binigay niya kay Caloy ang sapatos.

"Inggit naman ako sa kapatid mo. Sana ganyan din ang mga anak ko," sabi ng lalaki kay Caloy. Nakangiti ito sa kanya. "Sige, bibili na lang ako ng iba. Kung sa bagay baka magtalo rin ang dalawang anak ko kapag bumili ako ng sapatos na magkaiba. Mas mabuting parehas na lang silang dalawa parang walang away"
Sobrang pasasalamat ni Caloy sa mamang lalaki. Di naglao'y lumayo ang mamang lalaki at di na rin niya nakita kung saan ito dumaan.

Matapos mabili ni Caloy ang sapatos, pinabalot niya ito sa gift wrapper. Pagkatapos niya itong pinabalot, diretso naman siya sa grocery para bumili ng mga chichirya. Nakalabas siya ng mall nang saktong mga alas sais y medya nang gabi. Sumakay siya ng jeep na tuwang tuwa naman dahil masosopresa niya ang kuya niya pero natatakot din siya na baka mapapagalitan na naman siya ng nanay niya dahil ginabi na siyang umuwi. Mga alas syete kinse nang bumabana siya ng jeep. Sa kanyang pagtawid naman, nasaktuhan niyang nakita niya ang kanyang kapatid ma tumatawid na ng kalsada. Sa di inaasahang pagyayari nakita ni Caloy ang mabilis na humaharurot na maputing van na sasalubong kay Ryan. Bumusina ito nang matagal at maririnig mo rin ang ngitngit ng gulong dahil pinipilit niya ang preno pero huli na ang lahat..

"Rrryyaaannnnn!!" sigaw ni Caloy. Sabay agad itong tumakbo nang mabilis habng sinasabi ang kanyang mga huling linya:
"Huwag mong bubungguin kapatid ko!! Ako ang harapin mo!! Pag-asa siya ng pamilya namin! Siya ang magdadalang mga ambisyo't pangarap namin!!!!!"
Agad niyang naitulak si Ryan sa binggit ng kamatayan. Napangiti na lang si Caloy matapos nitong maitulak si Ryan. Di niya na inisip kung anu nang mangyayari sa kanya sa oras na 'yon. Ang mahalaga lang sa kanya ay nailigtas niya ang kapatid niya sa bingit ng kamatayan. Inisip niya sa sarili niya kung mismong siya ang mabubuhay, sira na ang mga pangarap at ambisyon nila para sa kanilang pamilya. Di na nila mabibigyan pa ng ginhawa ang kanilang ina. Di na nila mahahanap pa ang kanilang tatay. Di na mabubuo ang kanilang pamilya at dahil diyan, wala nang pag-asa pa sa kanila na makamtan ang kaginhawaan sa kanilang pamilya. Tiningnan ni Caloy ang sinag ng ilaw at sa puntong pagkapikit niya nakita niya ng kanyang mga mata ay nabatid niya ang isang imahe ng anghel na nagpapakita sa kanya sa kanyang panaginip. Nakangiti ito sa kanya sa gitna ng liwanag. Inabot nito ang mga kamay sa kanya at inabot rin ni Caloy ang mga kanyang kamay sa anghel.

BAAAAAAGGAAG!!

**

Agad naman silang nadala sa malapit na ospital. Dinala agad sila sa Emergency Room at dumating agad ang kanilang ina matapos mabalitaan ang nangyari. Kritikal ang kondisyon ni Caloy. Siya kagad inasikaso ng mga nars at doktor. Humahagulgol ang kanilang ina nang makita si Caloy. Niyakap nito si Ryan at na humahagulgol din sa iyak..

Makalipas ang ilang oras. Kinausap ng doktor ang kanilang ina, habang si Ryan naman ay pumasok sa loob para makita ang kanyang kapatid. Kahit na pinagbabawal, patago itong pumunta sa loob ng kwarto kung nasan ang kanyang kapatid. Umiiyak itong lumapit sa kanyang kapatid. Hinawakan niya ang kamay ng kanyang kuya at inilagay sa kanyang pisngi.

"Kaya mo pa yan kuya. Wag kang sumuko. Sorry talaga sa mga nagawa kong mali sa'yo. Kung di man ako naging mabuting kapatid sa'yo, sana mapatawad mo ako..Sorry kung di kita napagtatanggol sa mga nang-aasar sayong mga bata. Sorry kung may mga oras na galit ako, binunbunton ko sa'yo. Sorry kung kinukupitan kita minsan sa'yong alkansya. Sorry kung inaaway kita. Sorry kung minumura kita. Pramis, magbabago na ako.." sinabi niya ito sa kanyang kapatid habang humahagulgol ito sa pag-iyak. Ilang segundo natitira, naigalaw nito ang kanyang daliri habang nakadampi sa pisngi ni Ryan. Ginalaw niya ito na wari gusto niyang punupunasan nito ang mga luha ni Ryan. Ngumiti ito sa kanya ngunit di rin nagtagal hanggang dun na lang ang nagawa niya. Bigla na lang humina ang kanyang pulso. At naglinya na ang kanyang cardiac monitor. agad dumating ang mga doktor at nars. Humakbang si Ryan nang paatras at di niya namalayan na nandoon na pala ang kanyang ina. Lumuluha ito at niyakap si Ryan. Narinig pala niya ang mga sinabi ni Ryan sa kanyang kapatid.

Di na nagtagal wala nang nagawa ang mga doktor at nars. Tuluyan nang nawalan na ng pulso si Caloy. Tumigil na rin ito sa paghinga...

Gustong ibalik ni Ryan ang kanyang kapatid. Pero kahit anung dasal ang kanyang idasal wala pa rin nangyayari. Gusto niyang magising, nagbabakasali na baka panaginip lang ang lahat na nangyari na dulot lang lahat ito ng alak na kanyang ininom kanina. Pero wala na talaga. Di na talaga babalik ang pangyayari. Wala na talaga ang kanyang kuya. Wala na siyangt magawa kundi magmukmok sa gilid ng ospital.
Habang nagmumukmok si Ryan sa gilid, inabot ng kanyang ina ang regalong nakita niya sa pinangyarihan ng aksidente.

"Para sa'yo yan," sabi ng nanay kay Ryan, "Nagpaalam siya kanina para bumili ng pangregalo sa iyong kaarawan. Gumawa rin siya ng sulat para sa'yo..Gusto ka niyang sorpresahin, anak"
Kahit na mahirap sa kalooban ni Ryan, sinubukan niya pa rin itong kunin sa kanyang ina at kanyang binasa muna ang sulat:

Dear Ryan,

Ryan, happy birthday! tanda mo na ah? maz nauna ka pang tumanda kesa sakin e...hehe biro lang! siya nga pala ito pala gift ko sayo. sana magustuhan mo kahit papano. pinag-ipunan ko pa yan mahal kong kapatid. kung iniisip mo na walang patutunguhan ang pag-iipon ng alkansya ko, nagkakamali ka. noon pa man napagdesisyunan ko nang mag-ipon ng pera na kung di man matupad ang pangarap ko, itutulong ko na lang sa'yo. kaya inipon ko talaga yan para sa'yo...

Saka nung una palang tanggap ko na rin na darating din ang araw na sa oras na di mo na talaga ako kailanganin, bilang isang nakakatanda mong kuya na wala nang ginawang tama sa inyo. nagbigay sa inyo ng kahihiyan. isang walang kautak utak na batang wala nang pag-asa pang umunlad at tuparin ang mag pangarap.

pero kahit sana ganun ang mangyari, sana matutunan mo pa rin akong alahanin. Wag mo rin sanang kalimutan mga pangarap natin na mabuo ang pamilya natin. Mag-aral nang mabuti at makatapos. Wag magbibigay ng sakit ng ulo kay nanay.

sa mga ginagawa mo sakin noon ok lang yun napatawad na kita. Sorry kung di na kita nasamahan sa pag-abot ng ating mga pangarap. Pero nandito parin naman ako para sumuporta sayo..sana habang suot mo ito sana maalala mo pa rin ang mga magagndang alaala natin nung mga bata pa tayo. yung mga panahong nangangarap pa tayo sa ating mga pangarap. ingatan mo sarili mo palagi. luv u kapatid.!


nagmamahal,
kuya caloy



Namumugto ang mga mata ni Ryan habang binabasa ang sulat ng kanyang kuya Caloy. Parang dinikdik ang kanyang puso at di niya malaman-laman kung bubuksan pa niya ang regalo sa kanya ng kanyang kuya. Pero kahit masakit sa kanya, sinubukan pa rin niyang ngumiti at binuksan ang regalo.
Hindi na niya napigilan pang maitago ang luhang pilit na lumalabas sa kanyang mga mata matapos niyang makita ang nasa loob ng kahon. Umiyak siya nang makita niya ang paborito niyang sapatos na lagi niyang tinitingnan sa mall. Di niya inakala na ito pala ang ilang taon na pinag-iipunan ng kanyang kapatid. Ang alkansya ng kanyang kuya na ilang beses na niyang hinahamak at kinukupitan ay ito pala ang ibinunga. Walang tigil ang pagpatak ng mga luha nito sa bago niyang sapatos..



*** *** ***

"Mahalin niyo ang kapatid niyo. Kahit anu pa sila. Dahil sa huli kayo-kayo rin naman ang magtutulungan sa isa't-isa.."

Ryuzaki Lawliet

?? 2007


Mahal Kita Kasi by Nicole Hyala


my 7th video animation..valentines presentation & dedicated to S.S.

>video animation ko na di expect na aabot ng 93 K viewers!..MAraming Salamat po sa mga sumuporta ng aking prOductiOn! Sana magustuhan niyo rin po yung mga susunod ko pa pong video animation! Have a great day today & God Bless to all! :D






Click Me

Click Me

Click Me

Click Me

Click Me

Click Me

Click Me

Powered by Blogger.

Copyright © / abRNnplako?!

Template by : Urang-kurai / powered by :blogger