Paalam, Lola Remy

8/16/13 2:00 AM



Musmos pa lang kami noon nung kami'y iniwan sa piling niyo
ng aming magulang para mangibang bansa't doon magtrabaho
dalawang taong gulang pa lang ako ng kami'y iniwan sa inyo
magkaroon lang ng magandang buhay. kami'y sinakripisyo


sinubaybayan niya kami hanggang sa aming paglaki't inalagaan
ang aming lumbay sa pagkawalay pinunuan niya ng kasiyahan
kapag ako''y may sakit, nandyan siya sa tabi't ako'y inaalagaan
hindi siya aalis hangga't hindi umiigi ang aking karamdaman 


sa pagtuturo ng pagsusulat at pagbabasa kami ay tinuruan
para lang kami matuto't makapasok kaagad sa eskwelahan
sa pagpasok at pag-uwi namin sa eskwela kami'y inalalayan
ilang taon ding siyang nagtiyaga sa aming mga kakulitan


kami'y nilingap at inaruga na puno ng pagmamahal 
Pinalaki niya kami't binusog ng mga pangaral
tinuruang magpahalaga at ginabayan sa pag-aaral
tinuruang may takot sa Diyos at sa araw-araw magdasal


ilang taon din nagdaan, ang paglingap ay naghanggan
nang mga magulang nami'y umuwi na sa bayang sinilangan
nagkaroon ng maikling na pagtatalo't biglaang napagdesisyunan
kami ng pamilya'y luluwas at sa Las Pñas na doo'y manirahan


lumipas din ang maraming taon, samaan ng loob ay humupa
ang di pagkakaunawaan sa pamilya ay lumipas at naglaho na
kami niya ay idinalaw at nang makita'y niyakap nang mahigpit
oh, anong saya ng makita namin ulit ang lola na masaya!


ilang panahong nagdaan, sa kanya'y nababatid na rin 
kayumanggi't kulubot na katawan na sinubok ng panahon
ang kanyang buto't kalamanan na binanat ng kahirapan 
pagod na ugat na siyang lantad at bunbunang puno ng uban


isang araw ng ika-12 ng Agosto nang ika'y nabalita
nakagugulat na balita na ang aking lola'y pumanaw na
ikaw daw ay na-stroke at huli ka nang ika'y naagapan 
30% natitirang buhay sa utak nang naisugod sa pagamutan

kasabay ng pagbuhos ng ulan sa kalangitan,
ang pag-agos ng mga luha dahil sa'yong paglisan
masakit mang na isipin na ikaw ay wala na
dahil ang misyon mo dito sa lupa ay tapos na


di na masisilayan pa ang mga ngiti sa'yong labi
di na madadama pa ang yong halik sa aming pisngi
di na masusulyapan pa mga guhit sa'yong mukha
pagka't ika'y masisilayan na lang sa mga litrato't alaala


lungkot at tangis man naghahari, may saya pa ring nadarama
lungkot dahil ika'y wala na't di na makikita't makakapiling  pa
saya dahil alam ko na di ka na maghihirap at ika'y payapa na
Marahil sa oras ding 'to'y kapiling mo na sa langit ang Diyos Ama


Paalam lola, hindi ka namin malilimutan. nawa'y maging payapa ka na..
Maraming Salamat po sa lahat, nawa'y sa piling ng lumikha'y ika'y liligaya
Habang buhay naming sasariwain ang iyong pagmamahal at aruga.. 
Paalam po Lola Remy, hanggang sa muling pagkikita... 




 - nin0ybaltazar09






Click Me

Click Me

Click Me

Click Me

Click Me

Click Me

Click Me

Powered by Blogger.

Copyright © / abRNnplako?!

Template by : Urang-kurai / powered by :blogger